MANILA, Philippines - Sa isang iglap, nagbunga na ang istratehiya sa kampanya ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilberto ‘Gibo‘ Teodoro Jr. matapos itong mag-number 2 sa hanay ng siyam na presidentiables sa isinagawang survey ng isang independent firm kaugnay ng nalalapit na pambansang halalan sa Mayo.
Ayon kay Mike Toledo, tagapagsalita ng Lakas-Kampi-CMD, si Teodoro ay pumangalawa sa nakuhang 24 % boto sa survey sa nangungunang si Nacionalista Party presidential bet Manny Villar na nakakuha naman ng 31%.
Sina Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party at dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ng Puwersa ng Masang Pilipino ay magkasunod sa pangatlo at pang-apat na puwesto sa 20% at 13%, ayon sa pagkakasunod.
Ang survey na nagtapos noong Marso 7 ay isinagawa ng Campaign and Images Group mula sa mahigit 5,000 respondents sa buong bansa na tinanong kung sino sa 10 presidentiables ang sa tingin ng mga ito ay makakayang mamuno sa bansa.
Idiniin ni Toledo na mula sa pang-apat na puwesto ay nasa pangalawa na si Teodoro dahil sa magandang istratehiya nito sa pangangampanya.
Una nang sinabi ni Teodoro na tiwala siyang marami ang mababago at lalakas rin ang kaniyang kandidatura lalo na sa pagpasok ng campaign period sa hanay ng mga lokal na kandidato sa Marso 26.
Ayon kay Toledo, ang suporta ng mga lokal na opisyal kay Teodoro ay maaring makapagpataas ng 10 hanggang 15 % ng popularity rating nito.
Sinabi pa ni Toledo na nakasentro ngayon ang kampanya ni Teodoro sa class C, D at E kaya namimili na ito mula sa mga story board para sa susunod na TV ads nito.
Wika pa ni Toledo, popular na si Teodoro sa mga kabataan at estudyante kung saan ay palagi itong nangunguna sa mga mock elections dahil na rin sa galing at talino ng administration presidential bet na nagsusulong ng positibong kampanya na walang paninira kundi nakatuon lamang sa pla taporma nito. (Joy Cantos at Rudy Andal)