Bulacan governor naghabol sa KorÂte Suprema
MANILA, Philippines - Hinilling kahapon sa Korte Suprema ni Bulacan Governor Joselito “Jon-Jon” Mendoza na rebyuhin ang tila “last minute” decisions ng Commission on Elections second division na nagpapatalsik sa kanya sa puwesto at sa dalawa pang opposition governors na sina Grace Padaca ng Isabela at Among Ed Panlilio ng Pampanga.
Base sa 16 na pahinang supplemental petition ng abogado ni Mendoza na si Atty. Sixto Brilliantes, sinabi nito na kaduda-duda ang mga desisyon ng Comelec dahil wala itong batayan.
Hiniling din ni Brilliantes na magpalabas ng Temporary Restraining Order o status quo order ang Korte Suprema upang pigilan ang Comelec na maupo si Roberto Pagdanganan bilang gobernador ng Bulacan.
Iginiit ni Mendoza na ang TRO ay paraan din upang mapigilan ang pagdanak ng dugo sa provincial capitol dahil sa tensionado umano ang sitwasyon dito dahil na rin sa stand off sa pagitan ng kanyang mga supporters at tagasuporta ni Pagdanganan.
Batay umano sa Rule 18, Sec. 6 ng Comelec rules of procedures, kung hindi makukuha ang majority votes sa isang kaso dapat ay ibasura ang kaso, subalit sa kaso ni Mendoza ay walang majority votes kaya dapat umanong ibasura ang apela ni Pagdanganan.
Nagbabala naman kahapon ang Comelec kay Mendoza na maari itong patawan ng parusa kung hindi susunod sa kautusan ng Comelec na bakantehin ang kanyang puwesto.
Sinabi ni Comelec Chairman Jose Melo na, kung hindi susunod si Mendoza sa kautusan na pumapabor kay Pagdanganan ay maari itong patawan ng indirect contempt. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending