MANILA, Philippines - Ipinagbawal na ng isang university chaplain ang pagtakbo ng hubo’t hubad ng mga estudyante sa isang unibersidad sa Malabon.
Nabatid na hindi pinayagan ni Father Salvador Curutchet ng Institute of the Incarnate Word ang mga estudyante ng De La Salle University-Araneta na magsagawa ng freedom run.
Sa nasabing freedom run, tumatakbo ang mga estudyante ng walang saplot sa loob ng kanilang eskwelahan, bilang bahagi ng kanilang paggunita sa anibersaryo ng kanilang fraternity na Alpha Phi Omega (APO).
Ito’y halos katulad ng isinasagawang “Oblation Run” ng nasabing fraternity group sa University of the Philippines.
Ipinaliwanag naman ni Curutchet, isang Argentinean Priest na limang taon nang chaplain ng unibersidad, hindi nagpapakita ng ‘Christian values’ ang naturang tradisyon.
Hindi rin aniya tama para sa mga estudyante ng isang Catholic school ang magtatakbo nang hubo’t hubad.
Dalawang taon na ang nakararaan ay nakapagsagawa ng oblation run ang mga miyembro ng APO international students sa nasabing paaralan.
Nakatakda sana ulit ang pagtakbo ng hubad ng mga ito sa nasabing paaralan sa darating na Martes matapos makakuha ng approval mula sa Malabon City Hall, ngunit posibleng hindi na ito matuloy dahil sa pagbabawal ng university chaplain. (Mer Layson)