Pinakamainit naitala kahapon sa Metro Manila
MANILA, Philippines - Naitala kahapon ang pinakamainit na panahon sa Metro Manila na may temperaturang 35.8 celsius kumpara sa 34.4 celsius noong nagdaang Biyernes.
Sa panayam, sinabi ni Nathaniel Cruz, Bureau Chief ng Philippine Athmospheric Geopysical and Astronomical Services, na mas mainit pa sa naranasan natin kahapon ang mararamdaman sa buwan ng Abril at Mayo dulot na rin sa tinatawag na drier and warmer dry season sa bansa na sinabayan pa ng El Niño phenomenon.
“Noong nakaraang dry season, ang tawag eh wet dry season dahil kahit papaano may nagaganap na pag-ulan sa atin, pero ngayon dahil may El Niño, tumindi pa ang init sa buong bansa,” pahayag ni Cruz.
Inihalimbawa pa ni Cruz na kung ang normal anyang panahon sa Baguio kapag dry season ay 23.9, ito ngayon ay nasa 24.9 noong Pebrero at sa Metro Manila na kung ang average temperature ay 31.6, ito ay nakapagtala ng 33.3 nitong Pebrero ng taong ito.
“Kaya wag kayong lalabas ng bahay ng 11am hanggang 3pm dahil ito ang pinakamatinding pagsikat ng araw,” sabi pa ni Cruz.
“Iwasan po natin na magsuot ng maiinit na damit, kelangan mga t-shirt at mga damit na maaliwalas sa katawan para di kayo masyadong mainitan, uminom lagi ng tubig para di madehydrate at alagaan ang katawan mula sa sipon, hika at mga skin diseases tuwing ganitong uri ng mainit na panahon,” paalala ni Cruz. (Angie dela cruz)
- Latest
- Trending