MANILA, Philippines - Tukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan nagtatago si Senator Panfilo Lacson subalit tiniyak nila na sa labas ito ng Pilipinas.
Sinabi ni Atty. Claro de Castro Jr., ng NBI-Interpol Division, na walang rekord o impormasyon na si Lacson ay nasa Pilipinas na kaya nakapokus lamang sila sa paghahanap sa labas ng bansa dahil may impormasyon sila na nasa isang bansa si Lacson na pinuntahan niya matapos lumipat mula Hong Kong subalit hindi umano nila ito maaring ibunyag. Nang oras na iyon umano ay hindi pa naitatala sa Interpol Red Notice ang senador kaya hindi nakakilos ang may 188 bansa na miyembro ng Interpol upang siya ay dakpin.
Aminado ang NBI na kailangan pa nilang hintayin na kumilos o lumipat uli si Lacson upang madetect at mahuli sa entry o exit points ng alinmang bansang kaniyang pupuntahan subalit kung pipiliin umano na manatili lamang sa kaniyang pinagtataguan, matatagalan pa bago matukoy ang eksaktong lugar na pinaglulunggaan niya. (Ludy Bermudo)