MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng National Bureau of Investigation ang ulat na nakatanggap sila ng balido at beripikadong impormasyon na nasa ancestral home lamang sa Cavite si Senador Panfilo “Ping” Lacson at planong sumuko sa NBI anumang oras.
Reaksiyon ito ng NBI sa kumakalat na balita na kahapon ay susurender na si Lacson sa NBI-main office sa Taft Ave., Maynila matapos umanong makapuslit pabalik ng bansa gamit ang southern backdoor.
Hindi rin kinumpirma ng NBI ang mga ulat na ang senador ay nasa kustodiya ni dating Executive Secretary Eduardo Ermita.
Ayon kay Atty. Claro de Castro Jr., ng NBI-Interpol Division, wala pa sa Pilipinas si Lacson at sakaling totoo umano na susurender siya ay handa siyang tanggapin ng NBI para matapos na ang paghahanap sa kaniya.
Maging si NBI Assistant Director Pedro Bulaong at Deputy Director for Intelligence Ruel Lasala ay tumanggi din na nakatanggap sila ng ulat hinggil sa planong pagsuko ng senador.
Ayon kay Lasala, bukod sa mahirap o mapanganib na dumaan sa backdoors si Lacson dahil sa Abu Sayyaf Group, hindi puwedeng hindi siya makilala. At sakaling gumamit umano ng pribadong eroplano pa balik, matutukoy din ito sa pamamagitan ng Air Transportation Office (ATO).
Una nang sinabi ni NBI Director Mantaring na wala na sa Hongkong si Lacson.
Ani Mantaring, biniberipika nila kung nagtatago sa isang bahagi ng Europe si Lacson partikular sa Netherlands kung saan siya maaring humingi ng political asylum, dahil may Interpol office doon na maari nilang makaugnayan sakaling magtungo doon ang senador.
Inalerto na rin ng regional offices ng NBI kung posibleng mamataan si Lacson at maaresto ito.
Samantala, ibinasura ng Court of Appeals ang inihaing motion ni Lacson upang pigilan ang Department of Justice sa pagsasagawa ng preliminary investigation kaugnay sa kinasasangkutan nitong Dacer-Corbito double murder case.
Itinuturing ni CA Former 10th division Associate Justice Juan Enriquez Jr. na moot and academic na ang nasabing isyu dahil nakasuhan na si Lacson sa Manila Regional Trial Court bukod pa sa nagpalabas na rin ang korte ang warrant of arrest laban dito. (Ludy Bermudo/Gemma Garcia)