DILG pabor ipagpaliban ang barangay at SK polls
MANILA, Philippines - Pabor ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa panukala sa Kongreso na maipagpaliban ang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na Oktubre upang mailaan na lamang ang pondo para labanan ang El Niño phenomenon.
Sinabi ni DILG Undersecretary for local government Austere Panadero, dapat ikunsidera ang House Joint Resolution 56 na isinampa ni Agusan Del Sur Rep. Rodolfo ‘Ompong” Plaza dahil dapat bigyan ng atensyon ng pamahalaan ang matinding epekto ng tagtuyot.
Sinabi pa nito na sa kabuuang P2.2 bilyong pondo na ilalaan para sa nasabing eleksyon, maaari na lamang gamitin ito sa mga programa sa El Niño na tinatayang aabot ang pinsala sa kabuuang P10-P20 bilyon lalo na sa hanay ng agrikultura, suplay ng tubig at elektrisidad.
Noong nakaraang Linggo, sinuportahan ng 400,000 miyembro ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ang panukala ni Plaza na ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan elections hanggang Oktubre 2011.
Sinabi naman nina Ricojudge “RJ” Echiverri, national president ng grupo at Alvin Feliciano, national director, ang hakbang ng Kongreso ay nararapat lamang dahil sa malaking banta ng El Niño sa ating ekonomiya.
Kinumpirma naman ni Panadero na may panawagan mula sa lokal na pamahalaan na maipagpaliban muna ang pagsasagawa ng nasabing eleksiyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending

















