MANILA, Philippines - Nanawagan si Basilan Bishop Martin Jumoad sa kapwa mga obispo nito na magpalabas ng Oratio Imperata para magkaroon ng himala laban sa pamiminsala ng El nino sa bansa.
Aniya, nagpalabas siya ng oratio imperata o obligatory prayer na sinimulang dasalin noong Biyernes sa mga misa sa kanyang nasasakupan para humingi ng ulan.
Si Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo ay unang nagpalabas ng nasabing dasal para malabanan ang tag-tuyot. Sinabi naman ni Cebu Archdiocese Spokesman Monsignor Achilles Dakay na nanalasa na rin ang El Nino sa Cebu lalo na sa mga sakahan.
Makailang ulit ng nagpalabas ng oratio imperata ang Simbahang Katoliko at pinakahuli nito noong Mayo 2009 para naman labanan ang kinatatakutang swine flu o AH1N1 virus.
Ayon sa Department of Agriculture, umaabot na sa P3.7 bilyon halaga ng mga pananim ang nasira at posibleng umabot pa ito ng hanggang P7 bilyon lalo na at 22 lalawigan na ang apektado nito. (Mer Layson/Doris Franche)