MANILA, Philippines - Higit na lalawak ang pinsala ng lason ng red tide sa mga karagatan sa bansa sa panahon ng tagtuyot o El Nino phenomenon.
Ito ang sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) director Malcom Sarmiento dahil kapag mainit ang karagatan, masustansiya ang tubig-dagat at dadami ang dino-flagellates na isang organismo na nagdadala ng lason ng red tide sa mga shellfish tulad ng tahong, talaba, halaan at iba pa.
Bunsod nito, pinayuhan ni Sarmiento ang publiko na iwasang kumain ng shellfish na hinango mula sa karagatan na may lason ng red tide sa Bolinao, Anda, Alaminos, Masinloc at Palauig Zambales gayundin ang Sorsogon bay sa Sorsogon, Dumanguillas bay sa Zamboanga del Sur, Bislig bay sa Bislig, Surigao del Sur, Murcielagos bay Zamboanga del Norte at Misamis Occidental.
Sinasabing infected na rin umano ng red tide ang karagatan ng Cavite, Las Pinas, Paranaque, Navotas, Bulacan at Bataan sa Manila bay.
Ang pagkain ng shellfish na may lason ng red tide ay nakakamatay.
Sa una ay mangangati ang labi at dila ng kumain nito kalaunan ay makati ang kamay at paa at mawawalan na ng kontrol ang mga braso at hita hanggang sa mahirapan na itong huminga na magiging ugat ng maagang kamatayan.
Ligtas namang kainin ang isda, pusit, alimasag at hipon muna sa nabanggit na mga lugar pero kailangang linising mabuti.