MANILA, Philippines - Dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) ang nasawi makaraang aksidenteng bumagsak ang OV-10 bomber plane habang nagsasagawa ng training flight sa Crow Valley, Sta. Lucia, Tarlac nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi sa mga apelyido lamang na Captain Corpuz at Lt. Carrandang.
Sa phone interview, kinumpirma ni Major Gen. Horacio Lapinid, Commander ng 1st Air Division na nakabase sa Air Force City Clarkfield, Pampanga na bandang alas-2:55 ng hapon ng mangyari ang sakuna.
Kasalukuyang nagsasagawa ng aerial gunnery training ang dalawang piloto habang pinalilipad ang OV 10 Number 399 bomber plane sa nasabing lugar ng tuluy-tuloy na bumulusok paibaba sa bahagi ng Crow Valley ang nasabing combat plane na ikinasawi ng dalawang piloto.
Agad namang inatasan ni Lapinid ang search and rescue personnel ng 1st Air Division ng Air Force at narekober ang bangkay ng dalawang piloto sa crash site.
Ipinag-utos na ni PAF Chief Lt. Gen. Oscar Rabena na ‘grounded‘ na muna ang lahat ng mga OV 10 bomber plane ng PAF habang iniimbestigahan ang insidente.
Samantala, ipinaabot na ng liderato ng AFP ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing piloto.