MANILA, Philippines - Kinilala ng programang “Ituwid Natin” ang mga legasiyang nagawa nina yumaong Pangulong Cory Aquino, Pangulong Fidel Ramos at Pangulong Gloria Arroyo sa paggunita sa ika-24 na anibersaryo ng EDSA People Power 1.
Ang nasabing programa ay pinangunahan nina Toni Gonzalga at FEU law professor Geronimo Sy kasama ang mga panelists na si dating Tourism Sec. Mina Gabor at Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo kung saan kinilala si Gng. Aquino bilang susi sa panunumbalik ng demokasya at pagbuo sa 1987 Constitution habang si FVR naman ang naging daan para mapag-isa ang lahat ng grupo matapos ang Aquino administration na dumanas ng anim na kudeta.
Kinilala naman ang isinulong ni Pangulong Arroyo na pag-unlad hindi lang sa Metro Manila maging sa mga probinsiya lalo na sa larangan ng agrikultura at imprastraktura. Tatalakayin naman sa susunod na episode ang mga naging proyekto nina Gng. Aquino, FVR at Arroyo at maging ang mga puna at batikos sa kanila.