MANILA, Philippines - Ipadidiskuwalipika ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (Comelec) sa mayoralty race ang isang pumugang ex-Police colonel na idinadawit sa Maguindanao massacre.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina, aalamin nila sa Comelec kung kabilang si dating Maguindanao Provincial Police Office (PPO) Director ret. Sr. Supt. Piang Adam sa naaprubahan bilang isa sa mga opisyal na kandidato sa pagka-alkalde sa Maguindanao.
Si Adam ay sinasabing nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) sa Comelec sa pagtakbong alkalde ng bayan ng Pandag, Maguindanao.
Ayon sa opisyal, ginagalugad na ng mga tracking team ng PNP ang lahat ng mga lugar na posibleng pinagtataguan ni Adam kasunod ng pagtakas nito sa Sultan Kudarat Provincial Jail noong Pebrero 17.
Bagaman si Adam ang hinihinalang supplier ng mga armas ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan ay wala pang ebidensya na direktang mag-uugnay dito sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 23.
Si Adam ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at malversation of public funds or property dahil sa umano’y kabiguang i-account ang mga baril ng mga pulis sa Maguindanao na aabot sa mahigit 100 na nasa P2.88 milyon ang halaga.
Si Adam ay nauna nang kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group matapos na madiskubre na napunta sa angkan ng mga Ampatuan ang mga matataas na uri ng mga baril at bala na nakaisyu sa Maguindanao Police.
Idineklara ni Adam na nasira na ang mga baril at bala sa sunog na naganap sa arsenal ng 15o8th Provincial Mobile Group sa Shariff Aguak sa Maguindanao noong 2008 ngunit misteryoso lumutang ang mga ito sa serye ng raid ng mga awtoridad sa mga mansion at iba pang lupaing pag-aari ng Ampatuan clan matapos ang Maguindanao massacre. (Joy Cantos)