Atienza inalis na sa LP
MANILA, Philippines - Tuluyan nang hinubaran ng partido si dating Environment Secretary at Manila mayoralty bet Jose “Lito” Atienza matapos na kilalanin ng Korte Su prema si Sen. Manuel Roxas bilang tunay at nag-iisang pangulo ng Liberal Party.
Sa 18-pahinang en banc decision, hindi umabuso ang Commission on Elections ng katigan nito ang pagkapanalo ni Roxas sa National Executive Council Meeting ng LP noong Nobyembre 26, 2007 sa Manila Hotel.
Ayon kay LP Spokesman Erin Tanada, makikita pa rin sa huli kung sino ang tunay na oposisyon at ang nagkukunwari lang at kakampi naman ng administrasyon.
Unang binara ng Comelec ang ipinalabas ni Atienza na “certified list of candidates for Congressional and Local positions” para sa National Capital Region-Manila ngunit si Manila Mayor Alfredo Lim ang idineklara ng Comelec bilang opisyal na kandidato ng LP sa lungsod.
Matatandaan na iginiit ni Atienza na iligal ang pagpapatalsik sa kanya at sa ilang dating miyembro ng LP kaya ito naghain ng petisyon sa SC para ipawalang bisa ang pagkakahirang kay Roxas bilang LP president kapalit ni dating Senate President Franklin Drilon.
Ikinatuwa naman ng LP ang nasabing desis yon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending