Bong Go: Operasyon ng Malasakit Centers tiyaking wasto
MANILA, Philippines — Binigyang-diin sa pagdinig ng Senado ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang kritikal na papel ng Malasakit Centers sa pagpapagaan ng mga pasanin ng mahihirap.
Kaya naman iginiit ni Go sa mga ahensya ng gobyerno na maayos na i-operate ang mga one-stop shop na ito sa buong bansa alinsunod sa Malasakit Centers Law na pangunahin niyang iniakda at itinaguyod noong 2019.
Ipinaalala niya sa mga opisyal ng ahensya na ang programa ay nagsimula sa isang simple ngunit mahalagang layunin -- ang iligtas ang mahihirap na Pilipino mula sa paghingi ng tulong sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno upang mabayaran ang pagpapa-ospital.
“Buti na lang may Malasakit Center na. Mayroon silang matatakbuhan kahit papaano, na mababawasan ‘yung problema nila sa pagpapa-ospital,” ani Go.
Pinukaw ni Go ang matagal nang naantala na paglagda sa amended joint administrative order (JAO) sa mga kinauukulang ahensya tulad ng DOH, DSWD, PCSO at PhilHealth. Layon ng JAO na i-update at palawakin ang tulong-medikal na ibinibigay sa Malasakit Centers.
Binigyang-diin ni Go na dapat apurahin ang inamyendahang JAO dahil magpapagaan at magpapalawak ito ng access sa tulong ng gobyerno para sa mahihirap na pasyente.
Bilang tugon, kinumpirma ng DSWD na ang tulong-medikal ay nagpapatuloy at umaabot sa Malasakit Centers.
- Latest




















