MANILA, Philippines - Matapos ang 10 buwang pagkakabihag, pinalaya na rin ng mga pirata ang may 17 tripulanteng Pinoy na sakay ng isang pangisdang barko sa Somalia.
Kinumpirma ng DFA ang pagpapalaya sa 17 Pinoy seamen noong Pebrero 11 lulan ng Taiwanese-flagged FV Win Far 161 matapos ang negosasyon sa pagitan ng mga abductors at manning agency ng mga bihag.
Base sa report ng DFA, ang FV Win Far 161 ay hinayjack ng mga piratang Somali noong Abril 6, 2009 habang naglalayag sa karagatan ng Seychelles. Ang naturang barko ang pinakamatagal nang hawak ng mga pirata sa Somalia.
Sinabi ni Foreign Affairs Usec for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr na nakikipag-ugnayan na ang DFA-OUMWA sa may-ari ng fishing vessel na nakabase sa Taiwan hinggil sa repatriation ng mga tripulante.
Ipinarating na rin ng owner ng barko na nasa maayos na kondisyon ang mga Filipino crew nito subalit hindi nito nilinaw kung ilang milyong ransom ang ibinigay sa mga pirata kapalit ng pagpapakawala sa barko at sa sakay na mga crew.
Sa tala ng DFA, may 23 Pinoy seamen sakay ng tatlong barko na lamang ang nalalabing hawak ng mga pirata. (Ellen Fernando)