Ondoy victims nabigyan ng bahay
MANILA, Philippines - Magandang kinabukasan ang hinaharap ngayon ng may 1,813 pamilya na pinaalis sa Tullahan River at nabiktima ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26 matapos na magtayo ng tirahan ang city government ng Valenzuela City sa Barangay Ugong sa nabanggit na lungsod.
Sinabi ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian sa isang pulong-balitaan na tatlong gusali na may tig-16 na unit ang sinisimulan nang gawin ngayong Pebrero 12 sa tulong ng local na pamahalaan, non government organization at mismong mga benificiaries.
Nabatid na ang “Disiplina Village”, ay itatayo sa may 1.9 hektaryang lupain sa Barangay Ugong kung saan may 900 pamilya ang magkakaroon ng pabahay habang sa Ecology Center naman sa Marulas itatayo ang susunod na 900 pabahay para sa mga pamilya biktima ng Ondoy.
Ayon kay Gatchalian, uupa lamang ng P300-P500 Kada buwan ang isang pamilya sa loob ng 25 taon.
Ito lamang ang naiisip ni Gatchalian na pinakamagaan at mabilis na solusyon para matulungang magkabahay ang mga informal settlers na nakatira sa gilid ng creek sa tullahan river na isang danger zone. (Doris Franche)
- Latest
- Trending