Erap hataw sa rally
MANILA, Philippines - Nakita ang “Charisma sa masa” ni dating Presidente Joseph Estrada matapos dumugin ng libo-libong taga-suporta ang kanyang proclamation rally kahapon sa Plaza Miranda, Maynila, sa pagsisimula ng kampanya para sa May 10 elections.
Tinatayang lampas sa 15,000 katao ang dumalo sa okasyon, kung saan ipinakilala rin ang kumpletong senatorial line-up ng Puwersa ng Masang Pilipino/United Opposition (PMP/UNO) kasama ang mga kandidato sa Maynila at iba pang lugar sa Metro Manila.
Ayon kay dating Senate Pres. Ernesto Maceda, ang pagbuhos ng tao sa Plaza Miranda ay patunay na mainit pa rin ang pagtanggap ng mamamayan sa balak ni Erap na muling makabalik sa Malacañang at tapusin ang kanyang mga programang makamahirap.
Sa mainit na resulta ng proclamation rally, tiwala si Maceda na tuloy-tuloy na ang pag-akyat sa mga survey ni Erap sa mga darating na araw tungo sa muling pag-upo nito bilang pangulo pagkatapos ng bilangan ng boto sa Mayo. “Our campaign is gearing up and we expect to overtake the other candidates in the surveys in the days to come,” dagdag pa ni Maceda. “Tuloy-tuloy na ang pagbabalik ni Erap sa Malacañang.”
Ipinakita rin sa programa ang mga bagong campaign jingles at advertisements ni Erap na nakatuon sa kanyang mga nagawa bilang pangulo bago siya sapilitang tinanggal sa poder ng kanyang mga kalaban sa pulitika noong 2001.
Pinangunahan naman ni Makati City mayor Jejomar Binay, running mate ni Erap, ang iba pang kandidato ng oposisyon sa Senado.
Kabilang dito sina Senate President Juan Ponce Enrile, Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, NBN-ZTE whistle blower Joey De Venecia III, Jun Lozada, Brig. Gen. Danny Lim, dating Senate Majority Leader Kit Tatad, Rep. Ompong Plaza, Sen. Miriam Defensor Santiago, Sen. Bong Revilla, Atty. JV Bautista, ex-senator Serge Osmeña at dating Comelec commissioner Regalado Maambong. (Butch Quejada/Mer Layson)
- Latest
- Trending