MANILA, Philippines - Idinaing ng importers at customs brokers sa Aduana ang panggigipit ng isang opisyal at kanyang kanang-kamay sa Bureau of Customs Accreditation Service na diumano’y nangingikil sa kanila ng milyun-milyong-piso sa bawat-araw.
Ayon sa kanila, kakanselahin o “pahihirapan” silang mag-renew ng kanilang accreditation kung hindi sila maglalagak ng P50,000 at magdaragdag ng P3,000 na “takal” sa bawat container na kanilang ipinapasok nang legal.
Nabunyag ang naturang “pangongotong” nang pumalag ang isang importer, si Lucio G. Sy ng Malate, Manila noong nakaraang Linggo.
“Hindi naman kami smugglers pero sobra ang harassment na inaabot namin lalu na sa kolektor na umiikot at nananakot na kakanselahin ang accreditation namin kung hindi namin sila aaregluhin,” mangiyak na reklamo ng broker.
Mahigit 1,000 containers ang pumapasok bawat araw sa BoC na nangangahulugang higit sa P3 milyon ang nakokolekta ng “bagman” ng opisyal ng BoCAS na kilalang suporter ng isang reelectionist na senador. (Mer Layson)