'Smuggling front' sa BoC harangin
MANILA, Philippines - Dapat harangin ng pamahalaan ang pagbubukas muli ng isang isinarang private off-dock container yard” dahil inaabangan na ng mga balak magpasok ng multi-milyong pisong halaga ng mga smuggled goods.
Ito ang apela ng Association of Off-Dock CFS Operators na nagsabing “nakapila na” at inaabangan na ng mga smugglers ang operasyon ng naturang container yard.
Magugunita na inaprobahan na ni Customs Chief Napoleon Morales ang muling pagbubukas ng container yard.
Anang mga nagrereklamo, magmimistulang “smugglers’ paradise” ang Bureau of Customs kapag binuksan muli ang pinadlak na container yard. Ito ay dahil magbibigay umano ito ng daan para sa pagbubukas ng iba pang mga katulad na kumpanya.
Ayon sa Association of Off-Dock CFS Operators of the Philippines (ACOP), nakikiramdam na umano ang iba pang mga nagsara at mga “fly-by-night” container freight stations (CFS), sakaling matuloy ang ope rasyon ng Circle Freight CFS na tatawagin na ngayon bilang ‘Goldwin CFS.’
Ang Circle Freight ay na-padlock at tuluyan ng nagsara noong 2003 matapos mabisto ng BOC na naging prente ito sa smuggling na naging dahilan din upang alisin ito sa kasapian ng ACOP.
Itinayo naman ang ACOP sa panahon ni Comm. Guillermo Parayno, bilang samahan ng mga lehitimong ‘private yard operators’ upang matigil na ang pagkalat sa BOC ng mga pekeng ‘off-dock container freight stations’ (CFS), na kalimitang ginagamit ng mga sindikato ng smuggling.
Sa impormasyon ng ACOP, nabatid nilang may isa pang nagsarang CFS ang nag-aayos na ng mga dokumento nito upang muling makabalik sa Aduana sakaling magsimula na ang operasyon ng Circle Freight/Goldwin.
Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng ACOP, noong Enero 13 ay inaprubahan na ni BOC Comm. Napoleon ‘Boy’ Morales, sa rekomendasyon ni Depcomm. Rey Nicolas, ang pagbabalik ng lisensiya ng Circle Freight. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending