MANILA, Philippines - Hindi pa nagsisimula ang 15th Congress ay kulang na agad ng dalawang senador ang Mataas na Kapulungan dahil sa umano’y pagtatago sa ibang bansa ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson dahil sa kinakaharap na Dacer-Corbito double murder case.
Gayunman, tiniyak ni Senate President Juan Ponce Enrile na mananatiling senador si Lacson sa pagpasok ng 15th Congress kahit wala ito sa bansa dahil may natitira pa itong tatlong taon sa Senado.
Aniya, maitutulad si Lacson kay Senator Antonio Trillanes IV na kahit nakakulong ay may mga staff at nakukuha ang pondo kung saan isa ito sa may pinakamalaking gastos sa hanay ng mga senador noong 2008.
Sa kabila din aniya na hindi kumukuha ng pork barrel si Lacson, binibigyan pa rin ito ng pondo ng Senado para patakbuhin ang kaniyang opisina. Inirerespeto din aniya ang desisyon ni Lacson na umalis ng bansa dahil sa umano’y panggigipit mula sa gobyerno.
Aniya, maaaring humingi ng political asylum si Lacson kung saang bansa ito naroon ngayon ngunit iginiit nito na wala silang komunikasyon ni Lacson.
Samantala, hindi pa makakahingi ng extradition ang pamahalaan para kay Lacson hanggang walang naipalalabas na arrest warrant ang Manila Regional Trial Court laban dito.
Titiyakin din muna ng Department of Justice kung saang bansa nagtatago si Lacson, Kung ito ay nasa Australia ay siguradong may extradition treaty dito ang Pilipinas at maaaring arestuhin ang senador.
Sinabi pa ni Justice Secretary Agnes Devanadera na posibleng inaantala lang ni Lacson ang pagdinig ng korte sa kaso gaya ng ginawa nito noong preliminary investigation pa lang sa DoJ.