MANILA, Philippines - Mahigit na sa 600 katao ang dinakip ng Philippine National Police dahil sa paglabag sa total gun ban na ipinatutupad ng Comelec bunsod ng May 10 national and local elections.
Batay sa ulat ng PNP sa Comelec, hanggang 8:00 ng umaga kahapon ay umabot na sa 607 ang mga gun ban violators na kanilang inaresto.
Sa naturang bilang, 45 umano ang mga pulis, 25 ang sundalo, 25 ang government officials at employees at 512 naman ang sibilyan.
Umaabot naman umano sa 488 firearms, 780 gun replicas, 88 bladed weapon at tatlong granada ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Ayon sa Comelec, lahat ng inaresto ay nahaharap na sa kasong paglabag sa gun ban.
Matatandaang ang total gun ban ay sinimulang ipatupad ng Comelec noong Enero 10, kasabay nang pormal na pagsisimula ng election period sa bansa. Magtatapos ang implementasyon nito sa Hunyo 9, 2010. (Mer Layson)