Krisis sa tubig nakaamba!
MANILA, Philippines - Inatasan na ni Pangulong Arroyo ang lahat na ahensiya ng gobyerno na manguna sa pagtitipid sa paggamit ng tubig dahil sa nakaambang krisis dulot ng paparating na tag-tuyot.
Sinabi ni Presidential Deputy Spokesman Ricardo Saludo na kailangang magtulungan ang lahat ng mamamayan sa gitna ng babala na posibleng magkaroon ng kakapusan sa suplay ng tubig dahil sa El Niño na magsisimula umanong maranasan sa bansa sa buwan ng Abril.
Tiniyak naman ni Saludo na pangungunahan ng Malacañang ang pagtitipid sa tubig upang mapababa din ang kanilang water bill para tularan ng publiko.
Sa pagpupulong ng Task Force El Niño sinabi ni Agriculture Sec. Arthur Yap na isusulong nito ang pagtitipid sa tubig dahil isa ito sa panlaban sa tag-tuyot. Makakaasa din aniya ang taumbayan na may iba pang contingency measures ang gobyerno laban dito.
Samantala, sinabi naman ni Environment and Natural Resources Sec. Eleazar Quinto, na kontrolado pa rin ang krisis sa tubig dahil ang tag-tuyot ngayon ay tulad lang ng tag-tuyot noong 2004 at hindi gaya noong 1998.
Hindi rin aniya kinakailangan na magrasyon ng tubig sa mga residente kundi pahihinain na lang ang pressure nito at hindi mawawalan ng suplay.
Inulat din ng National Water Resources Board (NWRB) na tumaas umano ng 2 metro ang level ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan kaya 1.5 metro na lamang ang kinakailangan nitong itaas at nasa normal level na ito.
Samantala, bunsod ng nagbabadyang tagtuyot, ipinag-utos na rin ni Defense Secretary Norberto Gonzales na itaas hanggang 1 milyon ang recruitment ng mga reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong bansa.
Sinabi ni Gonzales na bunga ng ‘climate change’ hindi lamang pang-giyera kundi dapat na maging handa rin sa ‘disaster relief operations’ ang AFP.
Nabatid sa Kalihim na ang AFP ay mayroon lamang kabuuang 350,000 reservist para sa 91 milyong Pinoy na kulang na kulang sa panahon ng search and rescue operations kapag may mga nangyayaring kalamidad tulad ng pananalasa ng bagyong Ondoy at Pepeng noong nakalipas na taon.
“Our nation will really be in big trouble, because we don’t have enough water. Maraming mga crops natin ang masisira. Yung mga taga-Maynila baka mabawasan ng tubig na pampaligo,” ang sabi pa ng Defense Chief.
- Latest
- Trending