MANILA, Philippines - Muling pumalpak ang isinagawang field test ng Commission on Elections sa mga precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin nila sa automated elections sa May 10.
Mahina kasi umano ang signal ng mga cellular sites sa Taguig at Pateros kaya‘t parehong nagkaproblema ang field testing ng mga poll machines sa mga elementary schools doon.
Sa Aguho Elem. School sa Pateros, apat na balota ang ni-reject o hindi binasa ng PCOS machine at may lumalabas din umano na “ballot not original” dito.
Ayon kay Comelec Administrative Aide IV Jaime Salonga, nakapagtataka ito dahil ang mga naturang balota rin umano ang ginamit nila sa nakaraang field testing noong Miyerkules at binasa naman iyon ng mga makina.
Ang ibang balota naman na nakatupi at may lukot ay binabasa umano ng PCOS machine kahit pa baligtad din ang pagkakasalang ng mga ito sa makina.
Nagkaaberya din naman umano sa transmission patungo sa munisipyo ng Pateros dahil sa mahinang signal.
Nagpalit-palit na umano sila ng sim cards ngunit bigo pa rin ang transmission.
Tiniyak naman ng mga opisyal ng Comelec at Smartmatic-TIM na aaksyunan nila ang mga naturang problema upang maiwasan na itong maulit pa sa mismong araw ng halalan. (Mer Layson)