Lito Lapid may maipagmamalaki ng batas

MANILA, Philippines - Kahit na hindi na­kikisali sa debatihan sa plenaryo at madalas ay nagpapa-check lamang ng attendance bago tumakas sa session hall, may maipag­malaki ng batas si Senator Lito Lapid matapos niyang isu­long ang Free Legal Assistance Act of 2010 na nakatakda ng lag­daan ni Pangulong Gloria Arroyo.

Ang nasabing panu­kala ay pinagtibay na ng dalawang kapulungan ng Kongreso at naipasa na sa Malacanang upang ma­ging ganap na batas.

Makikinabang sa na­sabing panukala ni Lapid ang mga mahihirap na mamamayan na nagka­karoon ng kaso at walang pera upang kumuha ng abogado.

Ayon kay Lapid, sa dami ng mga mahihirap na nagkakaroon ng kaso, hindi kakayanin ng Public Attorney’s Office na pag­silbihan lahat ang mga ito.

Naniniwala si Lapid na sasamantalahin ng mga pribadong abogado ang kaniyang panukala at magbibigay sila ng libreng serbisyo upang mabawa­san naman ang buwis na kanilang dapat bayaran sa gobyerno.

Sa sandaling malag­daan ng Pangulo ang pa­nukala ni Lapid, ang mga abogado na magbibigay ng libreng serbisyo sa mahihirap ay makaka­ libre rin naman ng mula P10,000 hanggang P30,000 sa babayaran nilang tax sa loob ng isang taon.

Aabot naman sa P50,000 ang magiging tax credit ng abogado sa sandaling natapos nitong maipagtanggol sa korte ang kaniyang mahirap na kliyente. (Malou Escudero)

Show comments