Ceasefire muna sa Senado

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang araw na matinding balitaktakan ng mga senador, humirit kahapon ng ceasefire ang mayorya upang matalakay naman ang mahahalagang panukalang batas na nais nilang tapusin.

Sa isang panayam bago ang sesyon kahapon, sinabi ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na dapat munang itigil ang “bangayan” kaya hindi muna itutuloy ang botohan sa report ng Committee of the Whole tungkol sa kontro­bersiyal na C-5 road extension project.

 “As of now ceasefire muna tayo. Maraming dapat tapusin,” sabi ni Zubiri.

Naniniwala si Zubiri na wala na namang matatapos ang mga senador kung uunahin ang botohan sa report ng komite.

Bagaman at nabasa na sa plenaryo ni Senate President Juan Ponce Enrile ang nasabing report noong nakaraang Lunes kung saan sinasabing guilty si Senator Manny Villar dahil sa umano’y pakikialam sa proyekto kaya ito pinapakastigo at pinapasoli ang P6.22 bilyon halaga ng proyekto, kinakailangan naman itong pagbotohan pa ng mga senador.

Noong una ay sinasabing kailangan lamang ng boto ng 12 senador upang ma-adopt ang nasabing report, pero ayon kay Senator Miriam Defensor-Santiago, 16 ang dapat bumoto ng pabor sa report upang mapagtibay ito.

Ayon naman kay Sen. Joker Arroyo, handa na sila sa gagawing botohan bagaman at ipinagpaliban ito.

Inaasahan na sa susu­nod na linggo o sa natitirang tatlong araw ng sesyon ng Senado magaganap ang botohan sa kontrobersiyal na report ng committee of the whole.

Show comments