MANILA, Philippines - Nagtagumpay kahapon si Senate President Juan Ponce Enrile na pormal na mabasa sa plenaryo ng Senado ang report ng Committee of the Whole tungkol sa kontrobersyal na C-5 road extension project kung saan hinatulang nagkasala o “guilty” si Senator Manny Villar kaya pinapakastigo ito at ipanapasaoli ang P6.22 bilyon.
Isa-isang idinetalye ni Enrile ang pagkakataong ibinigay ng komite kay Villar na humarap sa public hearing subalit makailang-beses aniyang tinanggihan at tinakasan nito ang isinagawa nilang imbistigasyon.
Kabilang sa mga ebidensiyang nagpapatunay na guilty umano si Villar ang pagiging pangunahing stockholder nito ng Adelfa Properties Inc. na nagmamay-ari ng Golden Haven Memorial Park at Azalea Real Estate Corporation na ngayo’y Brittany Corporation .
Si Villar din umano ang nagtulak para magawa ang Las Piñas-Parañaque Link Road Project at DPWH C-5 Road Extension Project na dumaan sa mga lupaing pag-aari ng kanyang korporasyon.
Ayon pa sa report ni Enrile, si Villar ang nagpondo sa Las-Piñas-Parañaque Link Road project at DPWH C-5 Road Extension sa unang termino pa lamang bilang senador noong 2001, gamit ang pork barrel.
Pinabayaan din ni Villar na makialam sa 2008 national budget, partikular sa pagsingit ng P200 milyon sa C-5 Road Extension Project, ang isang opisyal ng pag-aaring korporasyon nito na si Anastacio Adriano Jr.
Mas mataas ang road right of way na siningil ni Villar sa gobyerno kumpara sa umiiral na zonal valuation para sa mga lupaing pagmamay-ari ng kanyang mga kumpanya na dinaanan ng proyekto.
Nasayang din umano ang P1.8 bilyong ginastos ng gobyerno para sa pagbabayad sa road-right-of-way para sa C-5 Extension dahil sa mga realignment na ginawa ni Villar.
Umabot sa P141 milyon ang overpayment ng gobyerno sa mga road-right-of-way sa mga pag-aari ni Villar na dinaanan ng C-5 Extension Project.
Sa kaugnay na ulat, sinabi ni Secretary to the Cabinet Silvestre Bello III na hindi makikialam ang Malacañang sa bangayan sa Senado na may kaugnayan sa C-5 road at kay Villar.
Internal na usapin anya ito sa mataas na kapulungan.
Samantala, hiniling ng isang non governmental organization na dapat sumunod sa tugtugin si Villar at panagutan nito ang anumang pagkukulang kaugnay ng C5 road scam.
Sinabi ni Harvey Keh, lead convenor ng Kaya Natin at director ng Ateneo School of Government, dapat harapin ni Villar ang isyung ito dahil palagian na lamang lumalabas sa resulta ng kanilang konsultasyon sa mga tao na ang korapsiyon sa bansa ang ugat ng kahirapan sa Pilipinas.
Dahil patuloy na hindi umaatend ng sesyon, naniniwala si Senator Jamby Madrigal na maaring ipag-utos ng liderato ng Senado ang pag-aresto kay Villar kabilang ang iba pang senador na palaging absent sa sesyon.