MANILA, Philippines - Haharangin ng National Council Commuters for Protection ang nakatakdang pagpapataw ng panibagong 12% value added tax sa lahat ng toll fees sa bansa.
Ayon kay Atty. Vic Millora, chairman at legal counsel ng NCCP, handa silang harangin sa Toll Regulatory Board ang pagdadagdag ng toll fees sa lahat ng expressway sa bansa gaya ng North Luzon Expressway, South Luzon Expressway, Coastal at Star Expressway.
Aniya, handa na ang petition at motion na isasampa nila sa TRB o sa isang regular court para mahadlangan ang panibagong buwis na nais idagdag ng Bureau of Internal Revenue na tiyak na magpapabigat sa bulsa ng mga motorista.
Samantala, sinabi naman nina Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas President Orlando Marquez at Engr. Homer Mercado ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines, wala silang magagawa kundi ipasa sa mga pasahero ang 12% VAT.
Unang sinabi ng BIR na dapat ay noong 2007 pa naipatupad ang batas na ito, at ito ay matagal ng naantala kaya wala na silang magagawa kundi ipatupad ang 12% additional VAT sa toll fees sa lahat ng mga expressway. (Joy Cantos)