DOTC kikilos sa Caticlan
MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ni Department of Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza na kanilang aaksyunan ang environmental concerns na inilutang laban sa P2.5 bilyong Caticlan airport upgrade project sa Aklan. Inamin ni Mendoza na naipabatid na sa kanila ang ikinatatakot ng ilang grupo sa Caticlan hinggil sa planong pagpapatag ng bundok sa tabi ng paliparan.
Ipinabatid na ng Boracay Foundation, Inc., na binubuo ng mga environmentalists at businessmen na naka-base sa Boracay ang kanilang reklamo sa Caticlan airport upgrade project dahil sa posibleng negatibong epekto ng planong pagpapatag ng bundok sa buong Caticlan at sa ecology ng world-famous tourist mecca na Boracay island.
Kamakailan, nagsagawa na ang Civil Aviation Authority of the Philippines ng P32 milyong 60-meter extension ng runway para ma-accommodate ang mas malalaking eroplano. Maraming umangal sa runway extension project dahil kinailangang alisin ang perimeter fences sa dulo ng runway na umano’y naging daan sa ilang insidente kung saan ilang farm animals ang nakakalabas-masok sa runway. (BQ)
- Latest
- Trending