MANILA, Philippines - Patay na umano sa air strike operations ng United States sa Afghanistan ang isang Filipino na lider ng Abu Sayyaf Group na nagtatago dito.
Sa ipinadalang ulat ng Pakistan intelligence unit sa Armed Forces of the Philippines, napatay ang ASG lider na si Basit Usman kung saan ito ay konektado din sa Jemaah Islamiyah at may patong sa ulo na $1M reward mula sa State Department matapos na mapabilang sa most-wanted terrorist sa buong mundo.
Si Usman ay napatay umano noong Enero 14 sa boarder ng South at North Waziristan tribal region kung saan target ng air strike si Pakistani Taliban Hakimullah Mehsud.
Sinabi naman ni AFP-Public Affairs Office chief Lt.Col. Romeo Brawner Jr., kukumpirmahin ang naturang ulat upang matiyak na hindi kaso ng “mistaken identity” ang nabanggit na pagpatay kay Usman.
Aniya, ikagagalak naman ng buong kapulisan kung totoong si Usman ang napatay dahil ito ay malaking puntos laban sa terorismo. (Joy Cantos)