Mag-amang Ampatuan idiniin ng witness
MANILA, Philippines - Iginiit ni Ampatuan Vice Mayor Datu Rasul Sangki sa ikalawang araw ng paglilitis sa kaso ng Maguindanao massacre, na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ang bumaril sa mga biktima noong Nobyembre 23, 2009.
Isiniwalat ni Sangki sa korte na inutusan si Ampatuan Jr. ng kanyang amang si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., para patayin ang mga biktima at narinig din niyang inutusan ng una ang mga miyembro ng Civilian Volunteers Organization na ratratin ang mga biktima at tiyaking patay lahat ito.
Sa katunayan, inatasan pa aniya siya ni Ampatuan Jr., na tumulong sa panghaharang sa convoy ng mga biktima sa pangunguna ng asawa ni Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na si Genalyn.
Idinagdag pa nito na nakikipagsabuwatan sa pamilya Ampatuan ang mga tiwaling pulis sa Maguindanao at bago pa isagawa ang massacre ay ilang araw ng nahukay ng backhoe ang mass grave sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Maging ang pagmamakaawa ng reporter ng Midland Review na si Jimmy “Pal-ak” Cabillo kay Ampa tuan Jr., na huwag siyang patayin dahil sa pagiging “bread winner” ng pamilya ay hindi rin nito pinakinggan.
Nakita din nito kung paano ratratin ni Datu Kanor Ampatuan at mga tauhan nito ang mga biktima kahit patay na ang mga ito at inililibing na sa mass grave.
Dahil sa kalunos-lunos na pahayag ni Sangki ay napilitan ng lumabas ng courtroom si Mangudadatu.
Si Sangki ay isang malayong kamag-anak ng mga Ampatuan pero may mga kamag-anak rin sa mga Mangudadatu.
Kasunod nito, pinagagawa na ng plano ni BJMP Director Rosendo M. Dial si BJMP National Capital Region Director, C/Supt. Serafin P. Barretto Jr. para maging handa sa mga Ampatuans sa oras na iutos ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na ilipat na dito ang mga suspects sa massacre.
Aniya, posibleng ang apat na palapag ng cradle facility ang gagamitin bilang temporary jail facility ng Ampatuans dahil isa ito sa mga ligtas na pasilidad sa NCR kaya naman sisimulan na rin ang pag-iinspeksiyon dito at na ngangailangan na lang ng CCTV cameras para mamonitor ang mga suspects 24-oras.
Hinihintay na lang din ang go signal ng Supreme Court para sa “tele-hearing” kung saan ito ay alternatibong pamamaraan sa pagdinig sa kaso kung saan hindi na kinakailangan pa na dalhin ang mga ito sa korte. (Joy Cantos/Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending