MANILA, Philippines - Hinikayat ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang mga kapwa senador na ipasa kaagad ang House Bill 6776 na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga taong mapapatunayang nagkasala sa batas laban sa iligal na pag-iingat ng baril.”
Sa isang mensahe, sinabi ni Escudero na ang naturang panukala ay naglalayon ding baguhin ang probisyon ng Presidential Decree 1866.
Aniya, sa ilalim ng PD 1866 mabigat ang parusa ngunit ito ay binabaan sa pamamagitan ng Revilla Law.
Sinabi ni Escudero na ang problema sa lumang batas ay nagagamit ito upang kasuhan at ikulong ang sinuman ng kasong rebelyon.
Nauna rito, sinabi ng Philippine National Police na kailangan ng karagdagang kapangyarihan upang ipatupad ang “gun control” sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Jesus A. Verzosa, ito na ang tamang panahon upang ipasa ang House bill dahil, sa ngayon, ang PNP ay nagpapatupad ng malawakang kampanya laban sa mga iligal na armas.
Ang naturang panukala ay nagpapataw ng mahigpit na patakaran ukol sa pagkansela at suspensiyon ng lisensya sa baril.
Sinabi ni Versoza na ang panukala ay pipigil sa mga pulitiko sa pagbubuo ng kanilang sariling “private army” at magbibigay naman sa PNP ng kapangyarihan upang supilin ang mga ito. Ang panukala ay naipasa na sa ikatlo ang huling pagbasa.