Commandos, checkpoints ikinalat na sa 'hotspots'

MANILA, Philippines - Nagpakalat na kahapon ang Philippine National Po­lice (PNP) ng mga police commandos at checkpoints sa mga lugar na kilalang election hotspots sa darating na May election.

Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, ipinadala na kahapon sa Masbate ang PNP Special Forces para tiyakin ang kapayapaan ng election dito dahil sa matinding banggaan ng mga politika dito at pagiging aktibo ng mga rebeldeng grupo.

Isusunod ng PNP na padalhan ng mga elite forces ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Abra, Basilan, Sulu, Maguindanao atbp. Imomobilisa naman ngayon ang isang batallion ng PNP-SAF sa Malagutay, Zamboanga City para magban­tay sa seguridad sa Sulu, Basilan, Zamboanga at Lanao Provinces.

Tiniyak naman ni Defense Secretary Norberto Gonzales na makikipagtulungan ang AFP troops sa PNP para sa ilalatag na checkpoints para mapabilis ang paglansag sa mga private armies. Iginiit ni Gonzales na walang lalabagin na karapatang pantao sa ilalatag na checkpoint na mag­sisimula sa Enero 10 hanggang Hunyo 9, 2010. (Joy Cantos)

Show comments