MANILA, Philippines - Pinayagan na kahapon ng mga opisyal ng pamahalaan na makabalik sa kanilang mga tahanan ang libu-libong mga residente ng Albay na inilikas dahilan sa bantang pagsabog ng Mayon volcano.
Ito’y matapos na ibaba na ng Phivolcs sa alert level 3 ang sitwasyon sa Mayon na bahagyang kumalma na ang pag-aalburuto at nabawasan na ang volcanic activity nito sa pagbubuga ng lava at ashfall.
Sa ilalim ng alert level 3, nawala na ang kinatatakutang malakas na pagsabog ng bulkan bagaman nasa ‘high relatively unrest‘ pa rin ito na patuloy na minomonitor ng mga kinauukulang ahensya at opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Task Force Mayon spokesman Captain Razaleigh Bansawan, gumamit na sila ng military trucks upang maihatid ang mga inilikas na residente.
Una nang itinaas ng Phivolcs sa alert level 4 ang Mayon kung saan nasa mahigit 9,000 pamilya o mahigit 47,000 residente na naninirahan sa palibot ng bulkan ang inilikas.
Sinabi ni Bansawan na pinayagan na ng lokal na pamahalaan alinsunod sa kautusan ni Albay Governor Joey Salceda na makauwi sa kanilang mga tahanan ang may 7,218 pamilya o kabuuang 34,482 katao na naninirahan sa nasasakupan ng 7-8 kilometer radius danger zone.
Gayunman, hindi pa maaring bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga naninirahan sa nasasakupan ng 6 kilometer radius Permanent Danger Zones (PDZ).
“The no human activity within 6 kilometer radius PDZ is still in place, yung dun sa area ng 7-8 Expanded zones ang pinapayagang makabalik,” paglilinaw ni Bansawan.
Kaugnay nito, ayon pa sa opisyal ay patuloy ang kanilang checkpoints upang bantayan ang mga residente na magtatangkang pumasok sa 6 km radius PDZ.
Samantalang aabot sa 200 tropa ng pamahalaan ang tumutulong sa mga residente gamit ang 15 military trucks at sampu pang mga bagong military vehicles galing Korea upang maihatid sa kanilang mga bahay ang mga residente.