Pinoy arestado sa pagpatay sa Pinay sa Vienna
MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang inaresto ng Vienna Police na umano’y responsable sa brutal na pagpatay sa Filipina housekeeper sa loob ng bahay ng Lebanese ambassador sa Austria noong Martes.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, umamin na ang naturang Pinoy na pansamantalang hindi pinangalanan na siya ang pumatay sa biktimang si Romalyn Basalo, 30. Si Basalo ay patay na ng matagpuan ng isa pang Pinay stay-out cook dakong alas-10 ng umaga noong Disyembre 29 at tadtad ng saksak sa loob ng bahay ng kanyang amo na si Lebanese Ambassador to Vienna Ishaya El Khoury.
Nadiskubre na sinakal muna ng suspek ng kawad ng kuryente ang biktima bago tuluyang tinadtad ng saksak. Masusing iniimbestigahan ng Vienna Police ang posibilidad na pagseselos ng suspek sa biktima kaya ginawa ang krimen.
Ang pag-amin ng suspek ay ginawa nito sa unang pagdinig sa kaso kung saan itinuro nito sa pulisya kung saan itinago ang patalim na ginamit sa pagpatay sa nasabing OFW.
Ayon kay DFA Spokesperson Ed Malaya, tutulak ngayong Huwebes mula Dubai patungong Vienna ang asawa ng biktima na lubhang nabigla sa sinapit ng misis nito. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending
















