MANILA, Philippines - Simula lamang Disyem bre 21 hanggang Dis. 29 ay lumobo na sa 166 ang bilang ng naitalang firecracker-related injuries ng Department of Health (DOH), na kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon, mas mataas ito ng 9 na porsyento.
Dahil dito, umapela na ang DOH sa mga magulang na huwag pabayaan ang kanilang mga anak at umiwas na sa paputok lalo’t mas marami sa kaso ng nasugatan ay mga kabataang may 10 taon pababa o hindi naman gumamit ng paputok o nanonood lamang sa mga nagpapaputok.
Sinabi ni Dr. Yolanda Oliveros, head ng National Center for Disease Prevention and Control (NCDPC) ng DOH, hindi dapat pa yagan ang mga bata na lumabas ng bahay lalo na kung may mga nagpapaputok at hindi rin dapat na bigyan ng pera o hayaang makabili nito sa mga tindahan.
Sa 166 na bilang ng sugatan, 40 porsyento ang nasa 10 taon pababa at mahigit na kalahati ay nabiktima ng piccolo.
Nais ng DOH na magtagumpay ang kampanya na bumaba ng mahigit sa 50 porsyento ang kaso ng mga nabibiktima ng firecrackers subalit hindi umano mapigilan ang mga Pinoy sa pagsunod sa tradisyon na may kaakibat na kapabayaan ng mga matatanda. (Ludy Bermudo)