MANILA, Philippines - Pormal nang sinimulan kahapon ng Commission on Elections ang extended voters’ registration sa lahat ng tanggapan ng Comelec sa buong bansa.
Nabatid na dinagsa ng mga bagong botante na nais na humabol sa pagpapatala para makaboto sa halalan sa susunod na taon ang mga tanggapan ng Comelec.
Nilinaw naman ng Comelec na hindi na ito tatanggap ng mga magpaparehistrong botante sa susunod na buwan sa kabila ng kautusan ng Korte Suprema na palawigin ang voters’ registration ng hanggang Enero 9, 2010.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, magsasagawa sila ng extended registration simula Disyembre 21 hanggang 23 at mula Disyembre 28 hanggang 29, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa lahat ng tanggapan ng Comelec sa buong bansa.
Prayoridad o uunahin lang dito ng Comelec ang mga first time registrant.
Batay sa rekord ng Comelec, umabot na sa 49.2 milyon ang mga registered voters para sa May 2010 national at local elections. (Mer Layson)