MANILA, Philippines - Nanawagan ang negosyanteng si Joey de Venecia III sa Commission on Elections na irekonsidera ang desisyon nitong alisin si Gen. Danny Lim ng Pwersa ng Masang Pilipino sa listahan ng mga kwalipikadong kandidato sa pagka-senador.
Kasama ni de Venecia si Lim na tumatakbo sa ilalim ng partidong PMP, ang political party na binuo ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Pinuna ni de Venecia na hindi makatarungan ang desisyon ng Comelec kay Lim dahil may kapasidad naman ito na makakuha ng maraming boto lalo na’t inampon ito hindi lamang ng PMP kundi pati na rin ng Liberal Party.
Sinabi pa niya na, kung duda ang Comelec sa kredibilidad ni Lim, dapat ay kinausap nito ang PMP at LP.
Naniniwala si de Venecia sa kakayahan ni Lim na kung saan bilang isang military leader ay isa aniya itong “man of principle and integrity.” (Butch Quejada)