MANILA, Philippines - Umaani ng parangal mula sa lokal at international communication industry ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite sa pamumuno ni Governor Ayong Maliksi kaugnay ng Branding Cavite Campaign.
Kabilang sa mga award na nakamit ng Branding Cavite Campaign ay ang Silver Winner bilang Best Integrated Internal Marketing Program Category sa Tambuli Awards at ang 3rd Integrated Marketing Communications Effectiveness Awards na inorganisa ng University of Asia at Pacific noong Hulyo 10, 2009.
Binigyan din ng Honorable Mention sa Public Sector Campaign of the Year Category 2009 Asia Pacific PR Awards noong November 11 na ginanap sa Hong Kong kung saan ang Branding Cavite Campaign ay isa sa 337 rehiyon na lumahok mula sa Pilipinas.
Itinayo ni Gov. Ayong Maliksi ang Branding Cavite Campaign upang hikayatin ang mga Cavitenyo sa kaunlaran kung saan naging kasangkapan sa promosyon ang Cavite Brand Management Team na inorganisa ng Provincial Information Officer na si Alda Lou Cabrera na nagsagawa ng iba’t ibang programa sa mga bayan at lungsod sa nabanggit na lalawigan.