MANILA, Philippines - Inupakan ng mga supporters ng independent candidate para sa pagka-presidente na si Nicanor Perlas si Senador Maria Consuelo Jamby Madrigal matapos na alisin ng Commission on Elections ang una at makalusot ang huli para makalahok sa 2010 presidential election.
Sinabi ng kampo ni Perlas sa Comelec na si Madrigal ang dapat na sinipa ng Comelec dahil ito ang na ging sanhi ng pagkakahati-hati ng opposisyon.
Naniniwala din ang mga ito na nuisance candidate si Madrigal at layunin lang nitong sumira ng kredibilildad ng ibang kandidato kaya tumakbo bilang pangulo.
Iginiit din nito na walang legal na basehan ang Comelec para ideklara siyang isang nuisance candidate dahil may sapat naman aniya siyang mga volunteer sa buong bansa na tutulong sa kaniyang maglunsad ng isang nationwide campaign.
Una ng inalis ng Comelec si Perlas habang nakalusot naman si Madrigal ngunit minsan na rin itong binansagang nuisance candidate gaya nina Eddie Gil at Atty. Ely Pamatong dahil kulang din ito sa makinarya at walang sinasalihang political party o anumang grupo.
Kasama si Madrigal sa listahan na pinayagang tumakbo sa pagka-pangulo ng Comelec. Ang mga ibang lumusot ay sina Senators Manny Villar ng Nacionalista at Noynoy Aquino ng Liberal Party, Konsehal JC delos Reyes ng Kapatiran Party, dating president Joseph Estrada ng Puwersa ng Masa, Sen. Richard Gordon ng Bagumbayan, dating Defense secretary Gilbert Teodoro ng Lakas-Kampi at Bro. Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas. (Mer Layson)