78 pagyanig naitala sa Mayon

MANILA, Philippines - Mas lalo pang luma­kas ang magma intrusion ng bulkang Mayon sa nakalipas na 24-oras ng umakyat ang bilang ng low frequency volcanic quakes sa 21 mula sa dating 6.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na tataas ng 57 high frequency volcanic quakes ang nasilip sa seismograph na nagpapakita na walang tigil ang pagguho ng mga nagbabagang bato at mayroon na rin 78 volcanic quakes kung saan 750 metric tons na ang nailuwang asupre ng Mayon at halos 800 metro na ang naaabot ng lava mula sa crater ng bulkan.

Bunsod nito, sinabi ni Paul Alanis ng Philvolcs na posibleng magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkan sa susunod na ilang linggo dahil sa malaking magma na na­kaimbak sa ilalim ng Ma­yon.

Samantala, nagha­handa na ang tanggapan ni Defense Secretary Norberto Gonzalez sa­kaling tuluyang sumabog ang naturang Mayon upang maiwasan ang pagkakaroon ng biktima ng kalamidad dito.

Aniya, nailikas ang 47,000 katao o 10,000 pamilya sa mga bayan at lungsod na tatamaan ng pagputok ng bulkan at target ng tapusin ang “force evacuation” ng mga re­si­dente hanggang nga­yong Huwebes. Pinanga­ngam­bahan din na magkaron ng “Paskong abo” ang mga residenteng nasa evacuation center.

Karamihan sa mga residenteng nailikas ay mula sa Barangay Mabi­ngit, Matanag, Buyuan, Bonga at Padang sa Legazpi City; Magapo at Buang sa Tabaco City; Quirangay, Sua, Caba­ngan, Tumpa, Salugan at Anoling sa bayan ng Camalig; Banadero, Al­cala at Matnog sa bayan ng Daraga at Calbayog, San Roque at Canaway sa Malilipot.

Iniulat pa rin na da­kong alas-10:02 ng mag­karoon ng rockfalls na may kasamang abo. Du­magsa pa rin ang mga lokal at dayuhang turista sa Albay para masak­sihan at kunan ng lara­wan ang pagbubuga ng ashfall at ang ibang ab­normalidad na gagawin ng Mayon.

Kabilang sa mga da­yu­hang turistang nagda­tingan sa Albay ay mga Chinese, American at Japanese nationals.

Show comments