MANILA, Philippines - Sinuportahan kahapon ng Badge of Honor Foundation, Inc. ng Philippine National Police ang panawagan ni Senator Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III na magbuo ng isang independent panel na mag-iimbestiga sa nangyaring Maguindanao massacre at ang pagkalat ng mga private armies sa bansa.
Sinimulan kahapon ng Senado ang imbestigasyon tungkol sa mga private armies na sinasabing naghahasik ng kaguluhan sa Mindanao.
Sa pahayag ni Atty. Benjamin C. delos Santos, corporate secretary ng PNP Badge of Honor, sinabi nito na dapat i-activate na ang mga organization at independent fact-finding commission para silipin ang “complex issue ng private armed groups.”
“We join the call of the CBCP president and the majority of freedom loving residents of Mindanao supporting the martial law imposition in Maguindanao,” sabi ni delos Santos.
Naniniwala si delos Santos na ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa Maguindanao massacre ay matutulad lamang sa mga nagdaang imbestigasyon na nahahaluan ng pulitika lalo pa’t nalalapit na ang eleksiyon.
Nangako naman si Philippine National Police Chief Director Gen. Jesus A. Verzosa na bubuwagin ang lahat ng private armies na pinoprotektahan ng mga warlords at mga pulitiko sa Maguindanao at ibang lugar bago ang 2010 elections.
Sinabi ni Verzosa na ang independent commission na binuo ni Pangulong Arroyo ay sumasang-ayon na dapat gamitin ng PNP ang “full might and resources” nito para buwagin ang mga private armies na gingamit ng mga pulitiko.
Sinigurado rin ni Verzosa sa pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre noong Nobyember 23 na poprotektahan sila at sisiguraduhin ang kanilang seguridad. (Malou Escudero)