MANILA, Philippines - Nakabawi si Nacionalista Party standard bearer Sen. Manny Villar sa bagong survey ng Social Weather System nang makakuha siya ng solidong 45 porsiyento na tumapyas sa dating malaking lamang ni Liberal Party standard bearer Sen. Benigno “Noynoy” Aquino na mayroong rating na 59%.
Batay sa survey na ginawa noong Nobyembre 4-8 at sumaklaw sa 1,200 respondent, umakyat nang walong porsiyento ang rating ni Villar mula sa dating 37% ng September survey ng SWS.
Ang November survey ay may katanungang: “Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon ang termino ni Pang. Arroyo ay hanggang sa taong 2010 lamang at magkakaroon ng halalan para sa pagka-pangulo sa Mayo 2010. Sinu-sino sa palagay ninyo ang mga magagaling na lider na dapat pumalit kay Pang. Arroyo bilang presidente?”
Sa pinakabagong survey na ito, tumapyas ng 23% sa kalamangan ni Aquino si Villar sa nakaraang September “Best Leader” survey para sa 14% points na bentahe na lamang na makikita sa November poll.
Pumangatlo sa survey si Sen. Francis Escudero at si dating Pangulong Estrada na dating nasa ikatlong puwesto, ay bumaba naman sa fourth place (18 %).
Si Sen. Loren Legarda, running mate ngayon ni Villar, ay nakakuha ng 4% habang ang katunggali niyang si Sen. Mar Roxas II ay nagkamit lamang ng 3% mula sa dating 12 %. (Butch Quejada)