MANILA, Philippines - Pitong bayan sa lalawigan ng Aklan ang isinailalim na sa election watchlist ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 2010.
Ayon kay Col. Ranulfo Demiar, Public Informa-tion Officer ng PRO6, ang nasabing mga bayan ay ang Banga, Batan, Buruanga, Ibajay, Kalibo, Malinao at New Washington na itinuring na category 1.
Nilinaw ni Demiar na ikina-classify ang isang lugar sa category 1 kung may election related violence sa nakalipas na tatlong halalan, pero walang kinalaman ang mga domestic terror groups kagaya ng CPP-NPA.
Bukod pa anya dito, ang nangyaring matinding partisan political rivalry, posibleng deployment ng partisan armed groups at pagkakaroon ng mga gulo na may bahid pulitika.
Samantala, ipinauubaya naman ng PRO6 sa local PNP units ang pagbabantay sa sitwasyon sa Aklan pero kung magkaroon aniya ng kaguluhan, posibleng mag-deploy sila ng augmentation.
Kaugnay nito, malalagay naman sa category 2 ang isang bayan kapag may mga kaguluhang dulot ng CPP-NPA. May kabuuang 48 na lugar sa buong western Visayas ang isinailalim sa watchlists ng PNP para sa 2010 election.
Nangunguna aniya sa mga binabantayan ng pulisya ang lalawigan ng Iloilo na may 16 na bayan, sinundan ng Negros Occidental kung saan 10 munisipalidad ang kanilang minomonitor. (Ricky Tulipat)