MANILA, Philippines - Hindi itinuloy ang naka takdang joint session ng Kongreso at Senado para maiwasan ang bangayan ng mga Senador at Kongresista hinggil sa legalidad ng pagdedeklara ng martial law ni pangulong Gloria Arroyo.
Itinakda muli ang naturang session ngayong araw dakong alas-4 ng hapon at minabuting bumalangkas na lang muna ng rules para sa gagawing session.
Sinabi ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na kakaiba ang “dynamics” ng mga Kongresista kumpara sa mga Senador kaya malaki ang posibilidad na magbanggaan ang mga ito at tuluyan ng hindi mareresolba ang usapin ng legalidad ng pagdedeklara ng martial law ni Pangulong Arroyo sa Maguindanao.
Aniya, mas mabuting agad maiwasan ang balitaktakan ng dalawang panig kaysa malagay sa masamang imahe ang mga ito.
Aminado naman si Zubiri na nahirapan silang buuin ang naturang rules at ito ang unang pagkakataon na magdaraos ng joint session ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Ang pangyayaring ito ay malayo aniya sa panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos dahil matapos nitong ideklara ang martial law ay agad na ini-abolish ang Kongreso.
Sinabi naman ni House Speaker Prospero Nograles na binibigyan nila ng respeto ang Senado kung saan maging ang uupuan ng mga ito ay isinasaayos na.
Samantala, nais ni Sen. Mar Roxas na ipatawag ngayong araw ang pamilya Ampatuan para magpali wanag sa umano’y malawakang dayaan na naganap sa Maguindanao noong 2004 at 2007 election.
Ipinaliwanag ni Roxas na dapat imbestigahan ang naturang dayaan lalo pa at nahukay sa lupang pag mamay-ari ng mga Ampatuan ang libong bilang ng mga election paraphernalias at posibleng ito din ang dahilan kung bakit nagdeklara si Pangulong Arroyo ng martial law sa Maguindanao. (Butch Quejada/Malou Escudero)