MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng isang negosyante sa Pasig sa Bureau of Internal Revenue ang isang cold storage establishment dahil sa umano’y paglabag sa ilang tax laws at billings na umaabot sa milyun-milyong piso.
Ayon sa negosyanteng si Ricardo Antonio, ang Pasig Cold Storage Plant na nasa Shaw Boulevard Ext. sa Pasig City, ay nag-ooperate nang walang kaukulang permit mula sa city government at nabigo ring kumuha ng barangay permit.
Ang AF Realty Development Corp. ang dating may-ari at nag-ooperate ng storage plant subalit na-foreclose ng Chinabank ang naka-mortgage na ari-arian ng korporasyon nang hindi ito makabayad ng utang na umaabot sa P25 milyon.
Nilinaw naman ni Alicia Libo-on, Chinabank assistant vice president for acquired assets, na lahat ng kontratang pinasok ng dating may-ari ay “deemed nullified and ipso facto” dahil hindi na ang AF Realty ang may-ari ng naturang property. (Butch Quejada)