Martial Law pinababawi
MANILA, Philippines - Umaapela ang mga re sidente, empleyado at opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa Pangulong Arroyo na ipatupad ang proseso ng demokrasya sa bansa at bawiin ang idineklarang Martial Law sa Maguindanao.
Sa isang press statement, sinabi ni Iskak Paguital, isang residente ng Maguindanao at senior official ng Maguindanao professionals and Employees Association (MAPEA), hindi umano nararapat ang “martial law” sa kanilang lugar dahil lilikha lamang ito ng takot at pangamba sa lahat ng mamamayan sa kanilang lalawigan.
Aniya, ang kasalanan ng iba ay hindi dapat isisi sa lahat ng residente sa Maguindanao na namumuhay ng mapayapa, tahimik para maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya.
Binatikos din ni Paguital ang ginagawang “house arrest” ng militar at PNP kay ARMM Gov. Zaldy Ampatuan dahil hindi nito magampanan ang mandatong iniatang sa kanya ng taong bayan dahil isa itong halal at pinakamataas na opisyal ng rehiyon.
Si Paguital ay naniniwalang inosente o walang kinalaman ang kanilang gobernador sa naganap na masaker sa Maguindanao dahil nasa Malakanyang ito nang maganap ang krimen noong Nobyembre 23.
Iginiit ni Paguital na wala namang kinakaharap na kaso kaugnay sa naganap na masaker ang gobernador, sumusunod ito sa batas at nakikipagtulungan sa mga awtoridad sa ginagawa nilang pagresolba sa karumal-dumal na krimen, kaya’t wala umanong dahilan upang idetine ito, na malinaw na paglabag sa kanyang constitutional rights. (Mer Layson)
- Latest
- Trending