MANILA, Philippines - Isinusulong ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro ang ‘national convent of peace and cooperation’ para sa lahat ng kandidato at stakeholders sa 2010 elections upang maiwasan ang karahasan.
Nais ni dating Defense Secretary Teodoro na magkaroon ng tahimik at maayos na halalan kaya nais niyang magkaroon ng covenant of peace ang lahat ng kandidato upang maiwasan ang anumang election-related violence tulad ng nangyari sa Maguindanao.
Ayon naman sa tagapagsalita ni Teodoro na si Zambales Rep. Mitos Magsaysay, ang covenant ay inaasahang pagkakaisahan ng lahat ng kandidato sa ilalim ng pamamahala ni Chief Justice Reynato Puno ng Moral Forces Movement at Parish Pastoral Council for Responsible Voting head Henrietta de Villa.
Siniguro din ni Teodoro ang isang liderato na ‘healing and political reconciliation’ upang magkaroon ng totohanang pagkakaisa ang lahat kahit mula man ito sa ibang partido o grupo para magkaisa tungo sa kabutihan ng bansa at taumbayan. (Rudy Andal)