MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police sa posibleng pagputok ng “rido” sa pagitan ng dalawang kinikilalang angkan bunga ng karumal-dumal na pamamaslang sa Maguindanao kung saan 57 katao ang biktima kabilang ang may 30 mamamahayag.
Sinabi PNP Chief Director General Jesus A. Verzosa na ang posibleng masaklap na maging pangyayari sa Maguindanao ay mauwi sa “rido,” gantihan o ubusan ng lahi sa pagitan ng nag-aaway na pamilya, sa pangyayaring ito, pamilya ng Ampatuan at Mangudadatu.
Ani Verzosa, base sa pinakahuling ulat ng Social Weather Station, ang karahasan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ay bunga ng bangayan ng mga miyembro ng magkaaway na angkan.
Ayon kay Verzosa, pawang pinalakas ang puwersa ng militar at pulisya sa Maguindanao tulad ng paglalagay ng checkpoint at chokepoint sa mga pangunahing lansangan at bulubunduking lugar upang maaresto ang mga sangkot sa masaker.
Idinagdag ni Verzosa na ang problema sa kapayapaan at kaayusan ay nag-ugat sa mga walang lisensiyang baril at private armies.