MANILA, Philippines - Muli na namang susubukin ni Jesus Is Lord Movement leader Brother Eddie Villanueva na masungkit ang pinakamataas na pwesto sa pamahalaan matapos na pormal nang maghain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections kahapon ng umaga.
Kasama ni Villanueva na nagtungo sa Comelec ang kanyang running mate na si dating Security and Exchange Commission Chairman Perfecto Yasay at ang kanilang senatorial candidates na sina dating Senator Zafrullah Alonto, Kata Inocencio, Atty. Ramoncito Ocampo, Israel Virgenes, at Alex Tinsay ng GMA-7.
Nangako si Villanueva na, sa oras na mahalal sa puwesto, susugpuin niya ang katiwalian sa bansa, pabibilisin ang judicial proceedings lalo na sa kaso ng Maguindanao massacre na bumiktima ng may 57 katao na kinabibilangan ng 30 miyembro ng media.
Matatandaang si Villanueva ay lumahok rin sa 2004 presidential elections ngunit natalo.
Gayunman, sinabi ni Villanueva na mas higit siyang handa ngayon na maging pangulo ng bansa at kumpiyansang mananalo siya sa hala lan dahil nagising na rin aniya ang “sleeping giant” na handang magbigay ng suporta sa kaniya at sa kanilang tiket. (Mer Layson at Doris Franche)