MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon kay Partido ng Mangga-gawa at Magsasaka standard bearer Hermogenes Ebdane Jr. ang Moro Islamic Liberation Front na bigyang halaga sa kanyang plataporma de gobyerno ang matagal ng problema sa Mindanao, ang kapayapaan at kaayusan.
Sinabi ng tagapagsa-lita ng MILF na si Eid Ka-balu, nakakalamang si Ebdane sa ibang kandidato sa pagkapangulo dahil may kakayahan at kasanayan si Ebdane upang isaayos ang gusot sa kanilang lugar bunga ng naging trabaho nito bilang pulis at kalihim ng National Defense (Tanggulang Pambansa).
“Hindi siya politiko kaya naman hindi siya sanay sa mga propaganda. Ang kapayapaan ang kanyang dapat maging pangunahing agenda. Hindi namin siya iniendorso subalit may mga katangian siya na maging isang pinuno ng bansa kung bibigyan ng pagkakataon,” ani Kabalu.
Aniya, kung pagbabasehan ang tala ni Ebdane bilang isang pulis, wala siyang “bad record” (pangit na ginawa).
Pinayuhan ng lider ng MILF si Ebdane na sakaling maging presidente siya, kailangang seryosohin niya ang paglutas sa kaguluhan sa Mindanao.
Ayon kay Kabalu, maraming naipagawang kalsada si Ebdane noong kalihim pa siya ng Public Works and Highways na naging malaking tulong sa mga magsasaka sa kalakalan. (Butch Quejada)